9.13.2013

Burak Sa Paraiso



Di ko na matandaan kung paano nasimulan ang kwento.
Sinubukan kong mag-isip. Teka...
Kailangang mag-umpisa. Mahirap din palang paanurin ang oras, tuluy-tuloy, hanggang sa ito'y mapagod mo. Maya-maya lang, manhid na ko. Maya-maya lang, dire-diretso na 'kong nagkukwento. Maya-maya lang nasasarapan na 'ko. Bahala na. Kahit saan, kahit kanino, o kahit paano---gagawa ako ng kwento. Kailangan kong patayin ang oras bago ako nito maunahan.

Ikaw, Juan Parok, ang gagamitin kong labasan. Bubuohin ko ang buhay mo mula sa pinagtagpi-tagping karanasan ng kasalukuyang panahon. Hindi kita gagawin na kasing dunong ng mga henyo o kasing kisig ng isang Adonis. Bababuyin kita. Papapangitin. Kasing pangit ng mga katotohanan sa paligid. Mga katotohanang magpapaliit sa pagkatao mo.
Simulan mo ang 'yong buhay sa isang maliit na dampa. Doon sa lugar na dikit-dikit ang mga bahay na gawa sa lumang yero't playwud. D'yan ka nakatira. Tanging ari-arian na pamana ng iyong ama bago s'ya mamamatay sa sakit na tuberkulosis. Lugar na kung saan ka namulat sa kanser na kung tawagin ay kahirapan. Sa tabi ng patay na ilog na pinanggagalingan ng walang hanggang baho. Ilog na pinuno ng samu't-saring winasak na pangarap at huwad na pangako. Kasama ang makapal na dumi't burak sa kailaliman ng itim na tubig nito; sama-sama, halu-halo, pati isipan ng nasa paligid.
Mula noon hanggang sa kasalukuyang usad ng orasan, at gaya ng dati, dungaw pa lang umaga ay humagupit na agad sa iyo ang taglay nitong kalumaan. Ito rin ang umagang nagigisnan mo araw-araw. Wala ng bago. Lagi na lang ganito. Paulit-ulit. Hanggang kailan? Hanggang magunaw ang mundo? Oo. Siguro, oo.
Bagong araw. Pag-asa. Sayang hindi madaling hanapin. Marami-rami rin ang naghangad pero nabigo. Hindi lang minsan. Sige, pabayaan mo na lang kayang tapakan ka ng higanteng lunsod para ikaw ay mapisak at mabulok ng tuluyan. Mabulok na kasama ng bulok mong lipunan.
Matagal mo nang tinanggap ng maluwag na ito ang landas. Landas na matagal mo nang kabisado dahil musmos ka pa lang ay isa ka ng tusong propesor ng lansangan. Sa mundong iyan ikaw inaruga at lumaki. Kasama ng walang pagod na kilos ng mga tao't sasakyan. Kasama ng walang tigil na pakikibaka para mabuhay.
Mundo sa ilalim kung ituring. Mundo ng mga kapos-palad at inaapi, tinutuya, niloloko, at pinagsasamantalahan ng mga taong nasa ibabaw dahil sila ay malalakas, masalapi, at maimpluwensya.
Bakit ka nagtatago r'yan? Wala ka nang mapuntahan? Sulok na unti-unting iniluluwal ng panahon? Hindi na maitatago ang pangit na katotohanan mo!
Ituloy mo ang gawa. Ganyan talaga kumikilos ang ilalim. Ang mundong kinagisnan mo.
Ibaba. Parang sikretong tagpuan ng kung sinong nilikha..
Kararating mo lang mula sa lakad-dilihensya. Matagal mo nang ginagawa 'to. Matagal ka ng nagtutulak. Hindi kariton kundi droga. May darating na supply ngayon. Madali lang naman ibenta dahil sanay ka na. Tiyak na ang bawat kilos mo. Tiyak na rin ang mga kliyente. Kanina mo pa hinihintay ang magdadala ng droga. Kabisado mo na yon. Malakas. Halos gabi-gabi mo nga kung tikman. Wag lang magkaro'n ng huli. Pag nagkataon, pabilisan na lang ng takbo sa makikipot na eskinita ng looban.
Heto na siguro ang hinihintay mo. Kumakatok. Lapit ka agad para buksan. Sya na nga. Iniwan n'ya ang isang maliit na bag. Alam mo na ang laman no'n.
Kailangang subukan. hithit, buga.
Tama. Malakas pa rin. Kahit na yata balahibo ng ilong mo'y nakatayo na. Ganadung-ganado na ang 'yong isipan sa paglipad. Ambilis.
Kailangan ng mag-isip ng mapapag-tripan. 'Yong relo mong suot 'di mo na alam kung umaandar pa o wala ng baterya.
Wala ka ng ganang kumain. Nabusog ka na sa usok.
Ang trip mo ngayon: babae.
Malas mo lang ubos na ang pera mo sa bulsa. Nakaalis na si Alma kaya wala kang makalikot.
Si Alma, ang iyong asawa, ay magdamag na namang kakayod. Kakayod sa iba't-ibang paraan. Iba't-ibang posisyon. Wala kang tutol dahil wala kang karapatang tumutol. Gustuhin mo mang tumutol, wala kang magawa. Kailangan.
Ganyan ang kinasapitan ng yong kapatid na si Tinoy no'ng kinapos kayo ng panggastos. Ikaw lang ang nakaramdam ng pagkadismaya. Yosi, kendi, palamig. Mula umaga hanggang kaya. Pare-pareho lang kayong lahat d'yan sa ilalim. Madalas, kulang pa ang kinikita maghapon para ibili ng masarap na pagkain. Minsan pa nga, hanggang hangin na lang.
Hangin na inyong sinasagap buong araw. Punung-puno ng maliliit na ilikabok at maiitim na usok. Umulan man o umaraw. 'Pag talagang walang-wala, galing pa sa tissue paper na isinawsaw sa solvent o 'di kaya'y supot na nilagyan ng rugby. Nakatapal sa ilong paghapon, magdamag. Pamatay gutom 'yon. Kahit na tae ay bihira nang labasan. Puro utot na lang ang laman ng sikmura. Utot na galing din sa hanging ipinapasok sigu-sigundo. Syempre ang hangin ay libre. Pa'no kaya kung pati 'yon ay binabayaran? Siguro ang dalawang butas ng ilong may metro. Bawat sagap ay kailangang tipirin. Wag na lang kayang huminga?
Nagpausok ka na lang ulit. Panundot sa tama. Para matipid, iisipin mo na lang 'yong babae. Pagkatapos, matutulog kung makakatulog.
No'ng nakahiga ka na't naghihintay na lang dalawin ng antok ay bigla mong naalala 'yong perang bigay ni Mon kaninang bumili s'ya sa 'yo. Sa lakas ng 'yong tama ay muntik mo na 'tong makalimutan. Ngayon lang pumasok ang ideya.
Hindi pa naman huli ang lahat. Dali-dali mong hinanap 'yong pera. Hindi mo masyadong natandaan kung saan nailagay. Trenta minutos ka nang naghahanap pero ni anino wala. Baka naman iginastos mo na? Hindi pwede. Wala ka ring natatandaang pinagkagastusan. Nasa'n kaya 'yon?
Dahil sa asar, kinuha mo ang 'yong sapatos para hanapin ang 'yong nanay. Baka inubos na naman n'ya 'yon sa sugal. Isusuot mo na lang ito'y nakita mo sa loob ang pera. Magkahalong inis at tuwa ang 'yong nadama. Do'n mo nga pala inilagay 'yon dahil itinatago mo sa 'yong nanay.
Buti na lang hindi nawala.
Tuloy na tuloy na ngayon ang nabitin mong trip kanina.
Sina Alma at Tinoy: prosti't callboy. Hindi nila ginusto pero kailangan. Ang nanay ano ba? Bugaw sa gabi, tindera sa umaga. Sa tanghali't hapon ay nakababad sa sugal. Pagdating sa tipo ng kostumer ng mga binubugaw n'yang alaga, hanap Kano o Hapon para medyo makarami. Mas malakas daw silang magbigay ng datung kesa Pinoy. Pag Pinoy daw kasi barat. Pero kahit na anong klase pa sila, ingat lang baka sadista. Ingat lang baka may sakit. Baka may AIDS. Takot? Saan ba ilalagay 'yan kung gutom ang buong katawan? Pati ang kaluluwa ay manhid. Sanayan lang 'yan.
Mabuti ka pa tapos na. Medyo me katandaan ka na sa ganyang hanap-buhay. Noong lumampas ka na sa bente-uno ay nahirapan ka nang humanap ng kostumer. Dati'y galing ka rin sa ganyang trabaho. Masahista kuno. Kasama ng ibang ka-edad mong lalaki. Pinagpipilian sa loob ng isang makipot na kwarto habang brief lang ang suot. Sasamang lumabas kung gusto ng mas mataas na pera. Paraiso ng mga bakla at matrona.
Bantayan mo na lang muna kaya ang mga tinda ng nanay kung abala s'ya sa paghahanap ng mga mahihilig ngayong gabi. Yosi boss? Kendi? Palamig?
Kung gusto mo, sumalang ka na rin. Kahit na sa mga baklang maton na naglalagalag sa lansangan pag kagat ng dilim. Pampadagdag kita rin 'yon. Basta 'yong kapatid mo ay wag lang pabayaan. Si Belinda, ang inyong bunsong kapatid ni Tinoy, ang susunod na alas. Alagaan mo s'yang mabuti dahil malapit na rin s'yang magdalaga. Kikita rin kayo sa kanya.
Ang ninong mong si Karding ang bahalang magbenta sa kanya. Maraming kakilala 'yon. Lalo na 'yong mga matatandang mayaman.
Kinikilabutan ka? Lumalambot na ba ang 'yong puso? Gago! Gayahin mo ang ninong mong matapang. Tatlo na ang napatay no'n. Mga dati rin n'yang kasama na kakaaway dahil sa droga. Mga praning kasi. Hayun, naghihimas ng rehas. Balak pa ngang tumakas dahil naargabyado raw s'ya.
Talagang magulo. Tabunan mo na lang kaya ng masasarap na pangarap 'yang isip mo. Si Alma. Matagal n'yo nang gustong lugay sa tahimik. Bago pa s'ya magtampisaw sa putikan ng kasalanan. Magkaroon ng matinong pamilya at mabuhay ng maligaya sa nalalabing panahon. Kahit na di gaanong marangya. Gano'n lang kasimple. Bakit kaya ang hirap gawin? Ang hirap mabuhay kahit simple.
Ang nanay mahina na. Kagabi lang, halos 'di na makatayo sa papag. Noong isang linggo lagi s'yang gano'n. Di kaya nagda-drama lang? Panay ang reklamo. Masakit daw ang likod, ang dibdib, bigla na lang nahihilo, at madalas nilalagnat. Ano pa ba'ng magagawa eh tumatanda na. Itulog na lang n'ya yon. Pero tingin ko abutan nyo lang ng pera gagaling 'yon. Pasensya na s'ya, mahirap ding mamatay.
Tuyo yata ang delihensya ngayon. Pinasara raw ni meyor ang karamihan sa mga beerhouse at disco kaya nagsilipat ng lugar ang mga tao. Pati si Alma ay napilitang maghanap ng ibang lugar na mapagbebentahan ng kanyang serbisyo. Kasamang naipasara ang lugar na kanyang pinapasukan.
Malaya ka ngayon. Tuloy na tuloy na ang nabitin mong trip kanina.
Babae. 'Yon ang hinahanap mo. Sa beerhouse. Do'n sa merong magsasayaw ng walang saplot. Doon sa madalas mong puntahan 'pag medyo kumikita ka. Isa sa mga maliliit na beerhouse na nakatakas sa malupit na kuko ni meyor.
Tipid-tipirin mo lang ang pag-inom medyo may kamahalan 'yan. Kahit na wala ng pulutan, basta't nar'yan ang mga babaeng gumigiling sa 'yong harapan. Inaakit ka pero bawal hipuin. Nakakabitin. Lalo na't tig-tatatlong kanta muna ang 'yong hihintayin bago masulyapan ang tunay na dahilan ng 'yong panonood ro'n.
Heto na si manidyer. Si manidyer na bugaw din ng karamihan sa mga babaeng nakikita mo ngayon. Binubulungan kang pumili kung sino ang magustuhan basta't magkasundo kayo sa presyo. Batam-bata raw ang mga 'yan. Ititeybol mo muna, tapos, bahala na kayong mag-usap kung balak mong ilabas.
Mamaya na. Kontento ka pa sa panonood lang.
Dalawang set ng models muna ang 'yong pinagsawaang pagmasdan. Sa tagal ng pagkakaupo mo ro'n, 'di mo napansing dumami na ang 'yong naorder na inumin. Lalo ka pang nawala sa sarili ng maramdaman mo ang matinding init na resulta ng mga kaakit-akit na tanawin sa harap.
Panahon na para tawagin mo si manidyer.
Lapit agad ang gago. Trip mo 'yong isang nakapula. Tinanong mo ka'gad kung sino s'ya. Kapangalan pala ng dati mong syota. Parang sinasadya ng pagkakataon.
Si Celia. Sino pa ba'ng nakakaalala sa kanya. Matagal-tagal na mo na ring binura sa isip mo ang mga ala-ala n'ya pero pilit kang kinukulit. Nagbabalik na naman. Limang taon na ang nakaraan mula no'ng magkahiwalay kayo. Marami na'ng nangyari sa buhay nyo. Marami na'ng nagbago. Marami na rin ang nagdaan pagkatapos n'ya pero bakit kaya parang di mo na talaga s'ya nalimutan? Parang kahapon lang. Pinaghiwalay kayo ng mga magulang n'ya dahil 'di mo raw kayang buhayin ang anak nila. Ang kasalanan mo lang ay naging mahirap ka. 
Hindi nakatapos ng pag-aaral. Unang taon pa lang sa haiskul pinahinto ka na. Kailangang magtrabaho dahil patay na ang 'yong tatay. Dalawa ang 'yong mga kapatid. Ikaw ang inaasahan bilang panganay. Pero ano naman kayang trabaho? 'Yong dating trabaho ng 'yong ama?
'Yon nga. Do'n sa pabrika ng sabon. Wala pang minimum ang sahod, pero mas mabuti keysa walang sahod. Kahit na alam mong madalas silang maltratuhin ng may-ari. Sobra sa oras kung magpatrabaho. Ang mga pagkaing ibinibigay ay halos 'di na makain. Wala pa silang proteksyon sa kung anu-anong kemikal na maaaring makamatay.
Hindi ka nakatagal ro'n. Sa kalye ka pinulot. Pati mga kapatid mong mas bata ay napilitang maghahanap-buhay na rin.
Dinala sa Amerika si Celia at ipinakasal sa dati rin n'yang manliligaw na mayaman. Wala s'yang nagawa. Wala ka ring nagawa. Hindi man lang kayo nagkaro'n ng pagkakataong magtanan.
Heto na ang kateybol mo. Si Celia na kapangalan ng dati mong Celia. Kaya pala may kung anong pwersa ang naglapit sa inyong dalawa. Iniinis ka yata ng nakaraan. Hindi ka nagpaanod.
Ang nakalipas ay tapos na. Narito ka ngayon para magsaya. Pilitin mong kumbinsihin ang 'yong sarili na iba na 'yang katabi mo.
Sulitin mo ang pera mo. May bayad 'yan.

Uwian na pala. Magsasara na ang beerhouse. Ang mga dancers na kaninang walang saplot ay isa-isa ng nagbibihis. Heto na uli si manidyer kasama ang isang waiter na alalay para maningil.
Muntik ka pang kapusin sa pambayad. Kung minamalas ka nga naman. Isa pang malas: 'di mo na pwedeng ilabas si Celia. Eksakto lang na pampamasahe sa dyip 'yong natitira mong pera.
Deretso ka sa bahay. Tapos na ang gabi. Madaling-araw na. Maya-maya lang, gigising na naman ang mundo at muling ipagpapatuloy ang walang kakwenta-kwentang serye ng 'yong pakikipagsapalaran sa buhay. Walang kakwenta-kwenta dahil tinatapakan lang ito ng lipunan.
Maliit ka kasi.
Hihiramin ulit kita, Juan Parok, para isalaysay ang mga karanasang nakikita, naamoy, naririnig, nalalasahan, at nararamdaman ng mga buhay na tauhan sa paligid. Kahit gaano pa ito kawalang-halaga. Gagamitin ulit kitang labasan. Labasan ng mga pamatay-oras kong kwento. (alay para at mula kay RFT)

7.12.2013

Ang Tinapay ni Bungol



 
 

Nagising ako sa sunud-sunod na ring ng celfone. Missed call and text mula kay M reminding me of our 3pm meeting. pasado alas dose na ng tanghali. Halos sampung oras din tulog ko; pambawi sa puyat ng nagdaang gabi. Lumabas ako ng gate. Hinanap ko si  Pahak. uutusan ko syang bumili ng tinapay at shampoo. Isa si Pahak sa mga tambay sa labasan. naghihintay silang mautusan kapalit ng suhol na pera. Si Pahak ang naging paborito kong runner. Masipag at listo, kahit may diprensya sa pandinig. Konting sigaw lang sa pagsasalita at magkakaunawan na kami.
 
Mabilis ang pik-ap ni Pahak sa "dalawang tinapay" pero sablay pagdating sa "shampoo." Natuyuan na ako ng laway sa paulit-ulit na pagbanggit ng head & shoulders. Di talaga makuha ni Pahak.! May isa pa akong ginagamit na shampoo; yun na lang pabibili ko sa kanya. Siguro naman pamilyar sya dito. Pero  nakalimutan kong bigla ang brandname ng shampoo. It was only after he left I remember clear. Lakas makahawa ni Pahak.

Di pa ako tapos magligpit ng higaan kumakatok na sa pintuan si Pahak. Nag-init bumbunan ko nang mabungaran ang kanyang bitbit. Nakalagay sa isang supot ang palmolive (eto pala kilala nya)  at dalawang tinapay. Tinanong ko sya. Sinagot ako ni Pahak na wala daw problema dahil malinis ang shampoo. Lalo akong na-bad trip sa kanyang sagot. Wala na akong nagawa. Sinuhulan ko si Pahak ng sampung piso. Nakangiti syang umalis; habang ako ay nagmamaktol pa.
 
Kahit paano, hindi nag-amoy shampoo ang tinapay. Pero di ko matanggap ang katwiran ni Pahak. Paano kaya naging malinis ang shampoo habang nakatiwangwang sa tindahan at sinasagap lahat ng alikabok; At sa gabi, mga daga't ipis naman ang nagsasamantala dito? Sigurado ako, ni sa hinagap di pumasok sa kukote ni Pahak ang gantong possibility. Kailangan gumawa ng paraan para malinis kong kainin ang tinapay. Then I came up with this idea.. I dip the bread into a cup of hot water, thinly peeled off its outer layer saka ko kinain. Presto! Siguradong bacteria-free ang tinapay na sumayad sa tiyan ko. Ginawa ko din ang proseso sa pangalawa. Pero natagalan yata ang pagsawsaw ko. Kaya nang iangat ko ito para balatan, humulagpos ang malambot na tinapay. Nadurog at nawasak ito nang bumagsak sa sahig. Di na umabot sa bibig ko ang tinapay ni Bungol!

6.25.2013

The Flor Contemplacion Story II: The Curse




 
I have recently seen The Flor Contemplacion Story on Youtube. The film starring the legendary Nora Aunor tells the story of Flor Contemplacion, a Filipina domestic helper who was hanged in Singapore for murdering another Filipina  and a 4-year-old boy. 

The film piqued my curiosity about the family of Flor Contemplacion. I wonder what have become of them 18 years after her execution. I initially thought that Flor's four children as well as her husband were living comfortable lives. After all, millons of financial donation from various sectors poured into their pockets in the aftermath of her death. But I was wrong. Flor Contemplacion's sacrifices had all gone to waste. Her desire to create a better life for her loved ones was never realized. It will remain an elusive dream.

Flor's eldest son Sandrex has died in prison while serving a life sentence for drug pushing. Flor's only daughter Russel has dealt a series of unfortunate events--she  has separated from her husband, her eldest child died of cerebral palsy, and she's struggling to raise her three kids alone. Flor's twins Joel and Junjun are languishing at the National Bilibid Prison in Muntinlupa City after they were sentenced to life imprisonment for drug peddling. Flor's husband Efren and his live-in partner are jailed for drug-related charges.

The tragedy of Flor Contemplacion continues to wreak havoc on the very same people she loved dearly. But why has life been so cruel to the Contemplacions? This question keeps bugging me that I feel obligated to find the root cause of their seemingly endless tribulation. I've got a strange feeling that some unseen forces had been lurking around, waiting to be unraveled.  I am then reminded of this particular scene in the movie where Flor reacted to her execution: "Kapag pinatay nyo ako, hindi ko kayo patatahimikin!" Those haunting words reverberate in my head as though confessing that it has been the ultimate cause of all their sufferings and misfortunes. Did Flor Contemplacion's curse boomerang back on her own family?

 

4.05.2013

Hinagpis ng Aking Katauhan


Hindi ko mawari ang aking nararamdaman. Binabagabag ako ng samut-sating emosyon, subalit nanaig ang kalungkutan at kahihiyan. Di ko alam kung paano magsimula; nagtatalo ang aking puso’t isipan. Nais kong maglaho sa walang hanggang kawalan at nakahandang tanggapin anumang parusa ang nararapat sa akin. Kay ganda pala ng aking buhay subalit hindi ko ito nabigyan ng kaukulang pansin. Nagpupugay ako sa pagtataglay ng sapat na kaalaman upang mabatid ang lubos na biyayang naipagkaloob sa akin. Nais kong ituwid ang ilang mga pagkukulang at pagkakamali. Subalit paano at saan ako magsisimula?
May nakilala akong isang kaibigan at wala pa akong nakitang nilalang na may kahangahangang disposisiyon maliban sa kanya. Iminulat nya sa akin ang tunay na larawan ng buhay. Isang uri ng katotohanan na sadyang napakalayo sa aking nakagisnan. Ang hirap na kanyang napagdaanan ang nagsilbing sandata upang maging matatag at ang angking talino ang nagbunsod sa paghabi ng kanyang mga pangarap.
Panganay siya sa magkakapatid at sa murang gulang inako ang responsibilidad upang maitaguyod ang kanyang mga mahal sa buhay. Napakahalaga para sa kanya ang pamilya, kaya niyang ibigay ang lahat para sa kapakanan ng mga ito. Napansin kong halos magkatulad ang pananaw namin sa buhay. At dahil sa lawak ng aking pang-unawa, narating ko ang malalim na bahagi ng kanyang katauhan.
Kadalasan naming napag-usapan ang kahirapan ng buhay at ang kahabag habag na dulot nito. Ayon sa kanya, upang pansamantala’y makahulagpos sa walang puknat na unos at mga hinagpis, nagawa nyang bumitiw sa saknong ng moralidad. Sa simula, hindi ko mawari ang kanyang mga paniniwala. Nais kong masuklam sa kanya, namulat ako na may takot at paniniwala sa batas ng tao at ng sa Itaas. Subalit ng subukan kong ilagay ang aking sarili sa kanyang katauhan, naramdaman ko ang nais niyang ipabatid. Sa isang sulok ng aking pagkatao, aaminin ko na magagawa ko rin ang mga bagay na iyun. Nakita ko sa kanyang mga mata ang peklat na dulot ng kahirapan. Hindi na mabubura at ito ang nagsilbing silakbo ng kanyang hinampo sa mundo–ang uri ng buhay na kanyang nakagisnan, ang kahirapan, at ang responsibilidad na nakaatang sa kanyang mga balikat.
Paano ko sasabihin sa kanya na patas ang buhay. Hindi ko kailanman naranasan na pumasok sa eskwela na walang baon at kumakalam ang sikmura sa gutom. Hindi ko naranasan na walang pamasahe sa dyip. Ang naalala ko, palagi akong may bagong damit, sapatos, at kumpleto ang mga gamit sa eskwela. Sapat ang aking baon at hatid sundo ako sa paaralan.Hindi ko siya kayang titigan upang ipamukha na lahat tayo ay magkakapantay. Nawalan ako ng lakas ng loob dahil kailanman hindi ko napagdaanan ang pait na dulot ng kahirapan.
Nayanig ang sarili kong mga paniniwala dahil sa aking kaibigan. Nais ko mang paniwalaan na sadyang magkatulad lamang ang antas ng bawat pamilya namin, hindi ko kailanman kayang panindigan ito. Ang kanyang pamilya: umaasa sa kanyang kinikita at dun nakasalalay ang edukasyon ng kanyang mga kapatid; Ang sarili kong pamilya: ang aking mga kapatid, may sapat ng trabaho pero tumatanggap pa rin ng pera mula sa aming mga magulang. At ako, nagkaroon ng sapat na karunungan upang makita ang katotohanang ito
ngunit wala akong magawa. Pakiramdam ko, naging manhid ako dahil sa patuloy na paghinintay ng isang bagay na hindi ko batid kung kailan darating. Pakiramdam ko, hindi na ako nabubuhay..

3.02.2013

PUPCET - The Perils of Quota Policy





The golden dream of higher education is becoming less attainable. As tuition costs in private colleges reach staggering levels, high school graduates are now pinning their hopes on state-funded academes. In PUP, the throng of young people who turned up for the 2013 PUPCET (PUP College Entrance Test) was perhaps the biggest crowd at any college admission test in history. Despite a limited number of slots, thousands of applicants continue to surge in hopes of getting into the university. Surely anyone would be inclined to take chances. PUP provides quality education for the lowest tuition fee of P12.00 per unit. Every year, more than 55,000 examinees take up the PUPCET but an average of only 11,000  new students are being accepted into the university.

Recently, however, PUP has made some revisions to its admission requirements. The cut-off score is set at 96% and a record low of 8,000 freshmen will be considered for admission. This brings to an overwhelming figure of 47,000 displaced aspirants, including the 3,000 disqualified examinees stemming from the new quota policy. Public colleges and universities could have been the remaining hopes for thousands of less financially privileged high school graduates. Unfortunately, budget constraints and quota limitation have completely shattered their noble desire to pursue a college education. The future looks bleak..



 

2.01.2013

Ang Paghahanap kay Marlon Villegas


Kaklase namin si Marlon Villegas sa pamantasan ng estado na malapit sa riles ng tren doon sa Sta Mesa. Tipikal nerdy ang itsura ni Marlon. Ang makapal nyang salamin sa mata; ang pagsusuot nya ng tsinelas sa loob ng kampus; ang sukbit nyang backpack na di ko nakitang ihiniwalay sa katawan; at ang mahahaba nyang kuko sa kamay.

Maraming taon na ang dumaan. Patuloy na dumadaloy sa aking kaisipan ang idelohiyang naipunla ni Marlon. Isang class report ko ang naging daan upang mapalapit kami sa bawat isa. Pinukol nya ako ng mga tanong na humantong sa maigting na diskusyon:
"Mr. Villegas, I don't need to answer your illogical question."
"Mr. A., There's no such thing as illogical; a question per se is logic."
"But there are questions that don't have sense, like yours; that makes it illogical."

Mula noon nakapalagayang-loob ko si Marlon. Dahil sa kanya namulat ako sa usapin ng imperyalismo, pyudalismo, at kapitalismo. Malaking tulong ang naibigay ni Marlon nang  maging chairman ako ng isang youth org. sa aming baranggay. Sa pamamagitan ng kinasapian nyang Students for National Democracy (SND), ibinahagi nya ang ilang kopya ng dokumento na naging gabay ko sa pagbuo ng bylaws para sa aking samahan. Nag-iwan din ng bakas ang di inaasahang pagkikita namin sa burol ni Flor Contemplacion. Ang tagpong  iyun ay isang hudyat upang ganap kong matuklasan ang sarili kong adhikain: Gising na ang aking radikal na kamalayan!

Dumating ang araw ng aming pagtatapos sa kolehiyo. Habang kami ay handa ng lisanin ang kanlungan ng aming mga pangarap, si Marlon ay nagpasyang manatili. Nais pa nyang makibahagi sa pagsulong ng progresibong kilusan ng mag-aaral. Tantya ko inabot ng halos dekada bago siya grumadweyt. Sa di inaasahang pagkakataon nagkrus muli ang aming landas noong EDSA II. Si Marlon, bilang aktibista; at ako, bilang pribadong indibidwal. Iyun ang huli naming pagkikita.

Mahabang panahon ang lumipas. Nagkaroon ako ng panibagong ugnayan sa mga dating kaklase; maliban kay Marlon Villegas. Hanggang mabasa ko ang sinulat ni Michael Beltran. Narito ang bahagi ng artikulong nalathala noong Abril 2009:

"Kilalala ng lahat si Marlon bilang FY. daming meaning ang ikinakabit nila sa pangalan na yun,..nakuha nya yun sa title ng movie ni Mel Gibson noong 1992, ang FOREVER YOUNG. ..kasama namin sya sa mga pagkilos, propaganda, mobilisasyon hanggang sa dumating din ang panahon na kelangan namin maghiwahiwalay at mamuhay ng kanya-kanya.

..ang dating masiglahin at makulit na FY nang makita ko bedridden na at halos di makagalaw ang mga paa, payat na payat at ang trade mark nga pala nya ay napakahahaba ng kuko na andun pa rin sa mga daliri, naluha ako kasi di ko inaasahang ganon ko sya makikita.."

Ayon sa salaysay ni Michael walang gamot ang karamdaman ni Marlon. Nang muli nila itong dalawin sa kanyang tirahan, "gumagalaw [na] ang lahat ng parte nya pero mahina ang mga ugat nya sa mga dulo ng daliri lalo na sa paa. ang tanging kulang nalang ay makalakad siya."

Hangad namin ang tuluyang paggaling ni Marlon. Sana masilayan ulit namin ang dating Marlon na masigla, long hair, nakasalamin, at forever young-looking. Sana minsan, malingunan namin siya sa mga kilos-protesta laban sa mga naghaharing uri na walang humpay sa pambubusabos sa masang sambayanan.

1.26.2013

Gerald Anderson: Sa Kuko ng Komersyalismo

 
 
 
 


 
 i. Produkto  

Nagsimula ang career ni Gerald Anderson noong 2006 sa pamamagitan ng reality show na Pinoy Big Brother Teen Edition hanggang sa maabot niya ang kasalukuyang estado bilang isa sa pinakasikat na young actors ng bansa. Si Gerald ay molde hango sa istratehiyang pangkalakal ng ABS-CBN. Isang istruktura ng makinarya na isinusulong ang estitikong pisikal ng artista higit sa anupamang inisyatibo tulad ng pagpapalawig sa antas ng sining.

ii. Katapatan

November 18, 2012 sa loob ng Henry Lee Irwin Theatre kung saan ginanap ang 26th PMPC Star Awards for TV. Presentor si Gerald Anderson para sa best actress award. Nominee ang Superstar na si Nora Aunor para sa Sa Ngalan ng Ina (TV5). Limang aktres ang nominated mula sa Kapamilya network, ang istasyonng namuhunan, nag-aalaga, at nagpasikat kay Gerald. Binuksan ni Gerald ang nag-iisang sealed envelope na hawak. Binasa ang pangalan ni Helen Gamboa bilang best actress winner para sa Walang Hanggan (ABS-CBN). Nang may sumigaw na isa pa, binuksan uli ni Gerald ang envelope at saka tinawag si Nora bilang ka-tie ni Helen. Iisa ang envelope na hawak ni Gerald kaya walang dahilan upang di niya makita ang "Nora Aunor."
 

iii. Imahe

Enero ng kasalukuyang taon. Sumambulat ang balita ng di umano paninigaw ng Diamond Star na si Maricel Soriano kay Gerald sa first taping day ng Bukas Na Lang Kita Mamahalin . Ayon sa mga nakasaksi sa nangyari nagalit si Maricel dahil hindi makuha ni Gerald ang tamang akting para sa eksena. Dahil sa insidente nagpasya ang ABS-CBN na tanggalin si Maricel sa cast ng upcoming teleserye. Pinaboran ng Kapamilya network si Gerald. Kumpiyansa raw sila sa kakayahan ni Gerald bilang aktor, at maging ang "unassailable personal character and professional behavior" nito.


Si Gerald Anderson ay produktong likha ng moderno at epektibong sistema ng industriya sa biswal na aliwan. Kailangan gumalaw ayon sa dikta at alituntunin ng kapitalismo. Kailangan ang busilak at malinis na imahe upang mapanatili ang ilusyon ng publiko. Mga saklaw sa pagtaguyod ng mataas na kalidad sa merkadong naknak ang komersyalismo. Ngunit kaakibat nito ay tila naisantabi ang diwa ng sining, pagpupugay at respeto, at integridad ng sariling pagkatao.