2.01.2013

Ang Paghahanap kay Marlon Villegas


Kaklase namin si Marlon Villegas sa pamantasan ng estado na malapit sa riles ng tren doon sa Sta Mesa. Tipikal nerdy ang itsura ni Marlon. Ang makapal nyang salamin sa mata; ang pagsusuot nya ng tsinelas sa loob ng kampus; ang sukbit nyang backpack na di ko nakitang ihiniwalay sa katawan; at ang mahahaba nyang kuko sa kamay.

Maraming taon na ang dumaan. Patuloy na dumadaloy sa aking kaisipan ang idelohiyang naipunla ni Marlon. Isang class report ko ang naging daan upang mapalapit kami sa bawat isa. Pinukol nya ako ng mga tanong na humantong sa maigting na diskusyon:
"Mr. Villegas, I don't need to answer your illogical question."
"Mr. A., There's no such thing as illogical; a question per se is logic."
"But there are questions that don't have sense, like yours; that makes it illogical."

Mula noon nakapalagayang-loob ko si Marlon. Dahil sa kanya namulat ako sa usapin ng imperyalismo, pyudalismo, at kapitalismo. Malaking tulong ang naibigay ni Marlon nang  maging chairman ako ng isang youth org. sa aming baranggay. Sa pamamagitan ng kinasapian nyang Students for National Democracy (SND), ibinahagi nya ang ilang kopya ng dokumento na naging gabay ko sa pagbuo ng bylaws para sa aking samahan. Nag-iwan din ng bakas ang di inaasahang pagkikita namin sa burol ni Flor Contemplacion. Ang tagpong  iyun ay isang hudyat upang ganap kong matuklasan ang sarili kong adhikain: Gising na ang aking radikal na kamalayan!

Dumating ang araw ng aming pagtatapos sa kolehiyo. Habang kami ay handa ng lisanin ang kanlungan ng aming mga pangarap, si Marlon ay nagpasyang manatili. Nais pa nyang makibahagi sa pagsulong ng progresibong kilusan ng mag-aaral. Tantya ko inabot ng halos dekada bago siya grumadweyt. Sa di inaasahang pagkakataon nagkrus muli ang aming landas noong EDSA II. Si Marlon, bilang aktibista; at ako, bilang pribadong indibidwal. Iyun ang huli naming pagkikita.

Mahabang panahon ang lumipas. Nagkaroon ako ng panibagong ugnayan sa mga dating kaklase; maliban kay Marlon Villegas. Hanggang mabasa ko ang sinulat ni Michael Beltran. Narito ang bahagi ng artikulong nalathala noong Abril 2009:

"Kilalala ng lahat si Marlon bilang FY. daming meaning ang ikinakabit nila sa pangalan na yun,..nakuha nya yun sa title ng movie ni Mel Gibson noong 1992, ang FOREVER YOUNG. ..kasama namin sya sa mga pagkilos, propaganda, mobilisasyon hanggang sa dumating din ang panahon na kelangan namin maghiwahiwalay at mamuhay ng kanya-kanya.

..ang dating masiglahin at makulit na FY nang makita ko bedridden na at halos di makagalaw ang mga paa, payat na payat at ang trade mark nga pala nya ay napakahahaba ng kuko na andun pa rin sa mga daliri, naluha ako kasi di ko inaasahang ganon ko sya makikita.."

Ayon sa salaysay ni Michael walang gamot ang karamdaman ni Marlon. Nang muli nila itong dalawin sa kanyang tirahan, "gumagalaw [na] ang lahat ng parte nya pero mahina ang mga ugat nya sa mga dulo ng daliri lalo na sa paa. ang tanging kulang nalang ay makalakad siya."

Hangad namin ang tuluyang paggaling ni Marlon. Sana masilayan ulit namin ang dating Marlon na masigla, long hair, nakasalamin, at forever young-looking. Sana minsan, malingunan namin siya sa mga kilos-protesta laban sa mga naghaharing uri na walang humpay sa pambubusabos sa masang sambayanan.

No comments:

Post a Comment