9.13.2013

Burak Sa Paraiso



Di ko na matandaan kung paano nasimulan ang kwento.
Sinubukan kong mag-isip. Teka...
Kailangang mag-umpisa. Mahirap din palang paanurin ang oras, tuluy-tuloy, hanggang sa ito'y mapagod mo. Maya-maya lang, manhid na ko. Maya-maya lang, dire-diretso na 'kong nagkukwento. Maya-maya lang nasasarapan na 'ko. Bahala na. Kahit saan, kahit kanino, o kahit paano---gagawa ako ng kwento. Kailangan kong patayin ang oras bago ako nito maunahan.

Ikaw, Juan Parok, ang gagamitin kong labasan. Bubuohin ko ang buhay mo mula sa pinagtagpi-tagping karanasan ng kasalukuyang panahon. Hindi kita gagawin na kasing dunong ng mga henyo o kasing kisig ng isang Adonis. Bababuyin kita. Papapangitin. Kasing pangit ng mga katotohanan sa paligid. Mga katotohanang magpapaliit sa pagkatao mo.
Simulan mo ang 'yong buhay sa isang maliit na dampa. Doon sa lugar na dikit-dikit ang mga bahay na gawa sa lumang yero't playwud. D'yan ka nakatira. Tanging ari-arian na pamana ng iyong ama bago s'ya mamamatay sa sakit na tuberkulosis. Lugar na kung saan ka namulat sa kanser na kung tawagin ay kahirapan. Sa tabi ng patay na ilog na pinanggagalingan ng walang hanggang baho. Ilog na pinuno ng samu't-saring winasak na pangarap at huwad na pangako. Kasama ang makapal na dumi't burak sa kailaliman ng itim na tubig nito; sama-sama, halu-halo, pati isipan ng nasa paligid.
Mula noon hanggang sa kasalukuyang usad ng orasan, at gaya ng dati, dungaw pa lang umaga ay humagupit na agad sa iyo ang taglay nitong kalumaan. Ito rin ang umagang nagigisnan mo araw-araw. Wala ng bago. Lagi na lang ganito. Paulit-ulit. Hanggang kailan? Hanggang magunaw ang mundo? Oo. Siguro, oo.
Bagong araw. Pag-asa. Sayang hindi madaling hanapin. Marami-rami rin ang naghangad pero nabigo. Hindi lang minsan. Sige, pabayaan mo na lang kayang tapakan ka ng higanteng lunsod para ikaw ay mapisak at mabulok ng tuluyan. Mabulok na kasama ng bulok mong lipunan.
Matagal mo nang tinanggap ng maluwag na ito ang landas. Landas na matagal mo nang kabisado dahil musmos ka pa lang ay isa ka ng tusong propesor ng lansangan. Sa mundong iyan ikaw inaruga at lumaki. Kasama ng walang pagod na kilos ng mga tao't sasakyan. Kasama ng walang tigil na pakikibaka para mabuhay.
Mundo sa ilalim kung ituring. Mundo ng mga kapos-palad at inaapi, tinutuya, niloloko, at pinagsasamantalahan ng mga taong nasa ibabaw dahil sila ay malalakas, masalapi, at maimpluwensya.
Bakit ka nagtatago r'yan? Wala ka nang mapuntahan? Sulok na unti-unting iniluluwal ng panahon? Hindi na maitatago ang pangit na katotohanan mo!
Ituloy mo ang gawa. Ganyan talaga kumikilos ang ilalim. Ang mundong kinagisnan mo.
Ibaba. Parang sikretong tagpuan ng kung sinong nilikha..
Kararating mo lang mula sa lakad-dilihensya. Matagal mo nang ginagawa 'to. Matagal ka ng nagtutulak. Hindi kariton kundi droga. May darating na supply ngayon. Madali lang naman ibenta dahil sanay ka na. Tiyak na ang bawat kilos mo. Tiyak na rin ang mga kliyente. Kanina mo pa hinihintay ang magdadala ng droga. Kabisado mo na yon. Malakas. Halos gabi-gabi mo nga kung tikman. Wag lang magkaro'n ng huli. Pag nagkataon, pabilisan na lang ng takbo sa makikipot na eskinita ng looban.
Heto na siguro ang hinihintay mo. Kumakatok. Lapit ka agad para buksan. Sya na nga. Iniwan n'ya ang isang maliit na bag. Alam mo na ang laman no'n.
Kailangang subukan. hithit, buga.
Tama. Malakas pa rin. Kahit na yata balahibo ng ilong mo'y nakatayo na. Ganadung-ganado na ang 'yong isipan sa paglipad. Ambilis.
Kailangan ng mag-isip ng mapapag-tripan. 'Yong relo mong suot 'di mo na alam kung umaandar pa o wala ng baterya.
Wala ka ng ganang kumain. Nabusog ka na sa usok.
Ang trip mo ngayon: babae.
Malas mo lang ubos na ang pera mo sa bulsa. Nakaalis na si Alma kaya wala kang makalikot.
Si Alma, ang iyong asawa, ay magdamag na namang kakayod. Kakayod sa iba't-ibang paraan. Iba't-ibang posisyon. Wala kang tutol dahil wala kang karapatang tumutol. Gustuhin mo mang tumutol, wala kang magawa. Kailangan.
Ganyan ang kinasapitan ng yong kapatid na si Tinoy no'ng kinapos kayo ng panggastos. Ikaw lang ang nakaramdam ng pagkadismaya. Yosi, kendi, palamig. Mula umaga hanggang kaya. Pare-pareho lang kayong lahat d'yan sa ilalim. Madalas, kulang pa ang kinikita maghapon para ibili ng masarap na pagkain. Minsan pa nga, hanggang hangin na lang.
Hangin na inyong sinasagap buong araw. Punung-puno ng maliliit na ilikabok at maiitim na usok. Umulan man o umaraw. 'Pag talagang walang-wala, galing pa sa tissue paper na isinawsaw sa solvent o 'di kaya'y supot na nilagyan ng rugby. Nakatapal sa ilong paghapon, magdamag. Pamatay gutom 'yon. Kahit na tae ay bihira nang labasan. Puro utot na lang ang laman ng sikmura. Utot na galing din sa hanging ipinapasok sigu-sigundo. Syempre ang hangin ay libre. Pa'no kaya kung pati 'yon ay binabayaran? Siguro ang dalawang butas ng ilong may metro. Bawat sagap ay kailangang tipirin. Wag na lang kayang huminga?
Nagpausok ka na lang ulit. Panundot sa tama. Para matipid, iisipin mo na lang 'yong babae. Pagkatapos, matutulog kung makakatulog.
No'ng nakahiga ka na't naghihintay na lang dalawin ng antok ay bigla mong naalala 'yong perang bigay ni Mon kaninang bumili s'ya sa 'yo. Sa lakas ng 'yong tama ay muntik mo na 'tong makalimutan. Ngayon lang pumasok ang ideya.
Hindi pa naman huli ang lahat. Dali-dali mong hinanap 'yong pera. Hindi mo masyadong natandaan kung saan nailagay. Trenta minutos ka nang naghahanap pero ni anino wala. Baka naman iginastos mo na? Hindi pwede. Wala ka ring natatandaang pinagkagastusan. Nasa'n kaya 'yon?
Dahil sa asar, kinuha mo ang 'yong sapatos para hanapin ang 'yong nanay. Baka inubos na naman n'ya 'yon sa sugal. Isusuot mo na lang ito'y nakita mo sa loob ang pera. Magkahalong inis at tuwa ang 'yong nadama. Do'n mo nga pala inilagay 'yon dahil itinatago mo sa 'yong nanay.
Buti na lang hindi nawala.
Tuloy na tuloy na ngayon ang nabitin mong trip kanina.
Sina Alma at Tinoy: prosti't callboy. Hindi nila ginusto pero kailangan. Ang nanay ano ba? Bugaw sa gabi, tindera sa umaga. Sa tanghali't hapon ay nakababad sa sugal. Pagdating sa tipo ng kostumer ng mga binubugaw n'yang alaga, hanap Kano o Hapon para medyo makarami. Mas malakas daw silang magbigay ng datung kesa Pinoy. Pag Pinoy daw kasi barat. Pero kahit na anong klase pa sila, ingat lang baka sadista. Ingat lang baka may sakit. Baka may AIDS. Takot? Saan ba ilalagay 'yan kung gutom ang buong katawan? Pati ang kaluluwa ay manhid. Sanayan lang 'yan.
Mabuti ka pa tapos na. Medyo me katandaan ka na sa ganyang hanap-buhay. Noong lumampas ka na sa bente-uno ay nahirapan ka nang humanap ng kostumer. Dati'y galing ka rin sa ganyang trabaho. Masahista kuno. Kasama ng ibang ka-edad mong lalaki. Pinagpipilian sa loob ng isang makipot na kwarto habang brief lang ang suot. Sasamang lumabas kung gusto ng mas mataas na pera. Paraiso ng mga bakla at matrona.
Bantayan mo na lang muna kaya ang mga tinda ng nanay kung abala s'ya sa paghahanap ng mga mahihilig ngayong gabi. Yosi boss? Kendi? Palamig?
Kung gusto mo, sumalang ka na rin. Kahit na sa mga baklang maton na naglalagalag sa lansangan pag kagat ng dilim. Pampadagdag kita rin 'yon. Basta 'yong kapatid mo ay wag lang pabayaan. Si Belinda, ang inyong bunsong kapatid ni Tinoy, ang susunod na alas. Alagaan mo s'yang mabuti dahil malapit na rin s'yang magdalaga. Kikita rin kayo sa kanya.
Ang ninong mong si Karding ang bahalang magbenta sa kanya. Maraming kakilala 'yon. Lalo na 'yong mga matatandang mayaman.
Kinikilabutan ka? Lumalambot na ba ang 'yong puso? Gago! Gayahin mo ang ninong mong matapang. Tatlo na ang napatay no'n. Mga dati rin n'yang kasama na kakaaway dahil sa droga. Mga praning kasi. Hayun, naghihimas ng rehas. Balak pa ngang tumakas dahil naargabyado raw s'ya.
Talagang magulo. Tabunan mo na lang kaya ng masasarap na pangarap 'yang isip mo. Si Alma. Matagal n'yo nang gustong lugay sa tahimik. Bago pa s'ya magtampisaw sa putikan ng kasalanan. Magkaroon ng matinong pamilya at mabuhay ng maligaya sa nalalabing panahon. Kahit na di gaanong marangya. Gano'n lang kasimple. Bakit kaya ang hirap gawin? Ang hirap mabuhay kahit simple.
Ang nanay mahina na. Kagabi lang, halos 'di na makatayo sa papag. Noong isang linggo lagi s'yang gano'n. Di kaya nagda-drama lang? Panay ang reklamo. Masakit daw ang likod, ang dibdib, bigla na lang nahihilo, at madalas nilalagnat. Ano pa ba'ng magagawa eh tumatanda na. Itulog na lang n'ya yon. Pero tingin ko abutan nyo lang ng pera gagaling 'yon. Pasensya na s'ya, mahirap ding mamatay.
Tuyo yata ang delihensya ngayon. Pinasara raw ni meyor ang karamihan sa mga beerhouse at disco kaya nagsilipat ng lugar ang mga tao. Pati si Alma ay napilitang maghanap ng ibang lugar na mapagbebentahan ng kanyang serbisyo. Kasamang naipasara ang lugar na kanyang pinapasukan.
Malaya ka ngayon. Tuloy na tuloy na ang nabitin mong trip kanina.
Babae. 'Yon ang hinahanap mo. Sa beerhouse. Do'n sa merong magsasayaw ng walang saplot. Doon sa madalas mong puntahan 'pag medyo kumikita ka. Isa sa mga maliliit na beerhouse na nakatakas sa malupit na kuko ni meyor.
Tipid-tipirin mo lang ang pag-inom medyo may kamahalan 'yan. Kahit na wala ng pulutan, basta't nar'yan ang mga babaeng gumigiling sa 'yong harapan. Inaakit ka pero bawal hipuin. Nakakabitin. Lalo na't tig-tatatlong kanta muna ang 'yong hihintayin bago masulyapan ang tunay na dahilan ng 'yong panonood ro'n.
Heto na si manidyer. Si manidyer na bugaw din ng karamihan sa mga babaeng nakikita mo ngayon. Binubulungan kang pumili kung sino ang magustuhan basta't magkasundo kayo sa presyo. Batam-bata raw ang mga 'yan. Ititeybol mo muna, tapos, bahala na kayong mag-usap kung balak mong ilabas.
Mamaya na. Kontento ka pa sa panonood lang.
Dalawang set ng models muna ang 'yong pinagsawaang pagmasdan. Sa tagal ng pagkakaupo mo ro'n, 'di mo napansing dumami na ang 'yong naorder na inumin. Lalo ka pang nawala sa sarili ng maramdaman mo ang matinding init na resulta ng mga kaakit-akit na tanawin sa harap.
Panahon na para tawagin mo si manidyer.
Lapit agad ang gago. Trip mo 'yong isang nakapula. Tinanong mo ka'gad kung sino s'ya. Kapangalan pala ng dati mong syota. Parang sinasadya ng pagkakataon.
Si Celia. Sino pa ba'ng nakakaalala sa kanya. Matagal-tagal na mo na ring binura sa isip mo ang mga ala-ala n'ya pero pilit kang kinukulit. Nagbabalik na naman. Limang taon na ang nakaraan mula no'ng magkahiwalay kayo. Marami na'ng nangyari sa buhay nyo. Marami na'ng nagbago. Marami na rin ang nagdaan pagkatapos n'ya pero bakit kaya parang di mo na talaga s'ya nalimutan? Parang kahapon lang. Pinaghiwalay kayo ng mga magulang n'ya dahil 'di mo raw kayang buhayin ang anak nila. Ang kasalanan mo lang ay naging mahirap ka. 
Hindi nakatapos ng pag-aaral. Unang taon pa lang sa haiskul pinahinto ka na. Kailangang magtrabaho dahil patay na ang 'yong tatay. Dalawa ang 'yong mga kapatid. Ikaw ang inaasahan bilang panganay. Pero ano naman kayang trabaho? 'Yong dating trabaho ng 'yong ama?
'Yon nga. Do'n sa pabrika ng sabon. Wala pang minimum ang sahod, pero mas mabuti keysa walang sahod. Kahit na alam mong madalas silang maltratuhin ng may-ari. Sobra sa oras kung magpatrabaho. Ang mga pagkaing ibinibigay ay halos 'di na makain. Wala pa silang proteksyon sa kung anu-anong kemikal na maaaring makamatay.
Hindi ka nakatagal ro'n. Sa kalye ka pinulot. Pati mga kapatid mong mas bata ay napilitang maghahanap-buhay na rin.
Dinala sa Amerika si Celia at ipinakasal sa dati rin n'yang manliligaw na mayaman. Wala s'yang nagawa. Wala ka ring nagawa. Hindi man lang kayo nagkaro'n ng pagkakataong magtanan.
Heto na ang kateybol mo. Si Celia na kapangalan ng dati mong Celia. Kaya pala may kung anong pwersa ang naglapit sa inyong dalawa. Iniinis ka yata ng nakaraan. Hindi ka nagpaanod.
Ang nakalipas ay tapos na. Narito ka ngayon para magsaya. Pilitin mong kumbinsihin ang 'yong sarili na iba na 'yang katabi mo.
Sulitin mo ang pera mo. May bayad 'yan.

Uwian na pala. Magsasara na ang beerhouse. Ang mga dancers na kaninang walang saplot ay isa-isa ng nagbibihis. Heto na uli si manidyer kasama ang isang waiter na alalay para maningil.
Muntik ka pang kapusin sa pambayad. Kung minamalas ka nga naman. Isa pang malas: 'di mo na pwedeng ilabas si Celia. Eksakto lang na pampamasahe sa dyip 'yong natitira mong pera.
Deretso ka sa bahay. Tapos na ang gabi. Madaling-araw na. Maya-maya lang, gigising na naman ang mundo at muling ipagpapatuloy ang walang kakwenta-kwentang serye ng 'yong pakikipagsapalaran sa buhay. Walang kakwenta-kwenta dahil tinatapakan lang ito ng lipunan.
Maliit ka kasi.
Hihiramin ulit kita, Juan Parok, para isalaysay ang mga karanasang nakikita, naamoy, naririnig, nalalasahan, at nararamdaman ng mga buhay na tauhan sa paligid. Kahit gaano pa ito kawalang-halaga. Gagamitin ulit kitang labasan. Labasan ng mga pamatay-oras kong kwento. (alay para at mula kay RFT)

No comments:

Post a Comment