Hindi ko mawari ang aking nararamdaman. Binabagabag ako ng samut-sating emosyon, subalit nanaig ang kalungkutan at kahihiyan. Di ko alam kung paano magsimula; nagtatalo ang aking puso’t isipan. Nais kong maglaho sa walang hanggang kawalan at nakahandang tanggapin anumang parusa ang nararapat sa akin. Kay ganda pala ng aking buhay subalit hindi ko ito nabigyan ng kaukulang pansin. Nagpupugay ako sa pagtataglay ng sapat na kaalaman upang mabatid ang lubos na biyayang naipagkaloob sa akin. Nais kong ituwid ang ilang mga pagkukulang at pagkakamali. Subalit paano at saan ako magsisimula?
May nakilala akong isang kaibigan at wala pa akong nakitang nilalang na may kahangahangang disposisiyon maliban sa kanya. Iminulat nya sa akin ang tunay na larawan ng buhay. Isang uri ng katotohanan na sadyang napakalayo sa aking nakagisnan. Ang hirap na kanyang napagdaanan ang nagsilbing sandata upang maging matatag at ang angking talino ang nagbunsod sa paghabi ng kanyang mga pangarap.
Panganay siya sa magkakapatid at sa murang gulang inako ang responsibilidad upang maitaguyod ang kanyang mga mahal sa buhay. Napakahalaga para sa kanya ang pamilya, kaya niyang ibigay ang lahat para sa kapakanan ng mga ito. Napansin kong halos magkatulad ang pananaw namin sa buhay. At dahil sa lawak ng aking pang-unawa, narating ko ang malalim na bahagi ng kanyang katauhan.
Kadalasan naming napag-usapan ang kahirapan ng buhay at ang kahabag habag na dulot nito. Ayon sa kanya, upang pansamantala’y makahulagpos sa walang puknat na unos at mga hinagpis, nagawa nyang bumitiw sa saknong ng moralidad. Sa simula, hindi ko mawari ang kanyang mga paniniwala. Nais kong masuklam sa kanya, namulat ako na may takot at paniniwala sa batas ng tao at ng sa Itaas. Subalit ng subukan kong ilagay ang aking sarili sa kanyang katauhan, naramdaman ko ang nais niyang ipabatid. Sa isang sulok ng aking pagkatao, aaminin ko na magagawa ko rin ang mga bagay na iyun. Nakita ko sa kanyang mga mata ang peklat na dulot ng kahirapan. Hindi na mabubura at ito ang nagsilbing silakbo ng kanyang hinampo sa mundo–ang uri ng buhay na kanyang nakagisnan, ang kahirapan, at ang responsibilidad na nakaatang sa kanyang mga balikat.
Paano ko sasabihin sa kanya na patas ang buhay. Hindi ko kailanman naranasan na pumasok sa eskwela na walang baon at kumakalam ang sikmura sa gutom. Hindi ko naranasan na walang pamasahe sa dyip. Ang naalala ko, palagi akong may bagong damit, sapatos, at kumpleto ang mga gamit sa eskwela. Sapat ang aking baon at hatid sundo ako sa paaralan.Hindi ko siya kayang titigan upang ipamukha na lahat tayo ay magkakapantay. Nawalan ako ng lakas ng loob dahil kailanman hindi ko napagdaanan ang pait na dulot ng kahirapan.
Nayanig ang sarili kong mga paniniwala dahil sa aking kaibigan. Nais ko mang paniwalaan na sadyang magkatulad lamang ang antas ng bawat pamilya namin, hindi ko kailanman kayang panindigan ito. Ang kanyang pamilya: umaasa sa kanyang kinikita at dun nakasalalay ang edukasyon ng kanyang mga kapatid; Ang sarili kong pamilya: ang aking mga kapatid, may sapat ng trabaho pero tumatanggap pa rin ng pera mula sa aming mga magulang. At ako, nagkaroon ng sapat na karunungan upang makita ang katotohanang ito
ngunit wala akong magawa. Pakiramdam ko, naging manhid ako dahil sa patuloy na paghinintay ng isang bagay na hindi ko batid kung kailan darating. Pakiramdam ko, hindi na ako nabubuhay..
No comments:
Post a Comment