malayo ang kanyang tanaw.
sa ibayong makislap ang liwanag.
pupuntahan niya ang dakong iyun.
tutuklasin ang nakakubling hiwaga.
atubili ang kanyang mahal na inay.
maari siyang mapahamak.
mapanlinlang umano ang kutitap..
may sapat na siyang lakas sa paglakbay.
pumaimbulog sa nakalililong kalawakan.
abot-kamay niya ang tugatog ng tagumpay.
ngunit nakatugaygay ang makislap na liwanag.
siya ay niyayakag.
sadyang mapanghalina ang kutitap..
kaysarap pala sa mundo ng kutitap.
dulot nito ay samut-saring kagalakan.
taglay niya ang walang kapantay na kapangyarihan.
nakalipad siya sa pinakamatayog na kawalan.
ngunit sa isang iglap nagbihis-anyo ang kutitap.
naglaho ang angkin nitong liwanag.
ginupo ng nakasisindak na kadiliman..
muli siyang napadpad sa pinagmulan.
tila nagbago na ang mundong nakagisnan.
hungkag ang kanyang nadama.
nawaglit maging ang lakas niya sa paglipad.
nagugulumihanan siya sa kaganapan.
ngunit wala siyang mahagilap na kasagutan.
ang sarili niyang mundo ay nasadlak na rin sa karimlan..
babalik siya sa kanlungan ng kutitap.
lamunin man ng kadiliman.
may aasahan siyang sibol ng liwanag.
dito na siya mananatili.
sa mundo ng kutitap.. sa mundo ng mapaglinlang..