11.08.2012

Lakad



Payuko at laglag balikat akong lumisan sa tanggapang iyun. Imbes na sumakay ng elevator, nagdesisyon akong gumamit ng hagdan pababa mula sa ikawalong palapag ng gusali. sabagay, wala na akong hahabuling oras. hindi ako nakaramdam ng anumang pagod ng sumayad ang mga paa ko sa pinakaunang baitang ng hagdan.
 
Tuluyan na akong nakalabas ng gusali, nilingon ko ito. ayaw pa ring tanggapin ng utak ko ang nangyari. mainit na ang sikat ng araw, mag-alas dyes na ng umaga. malayo pa ang sakayan ng bus pauwi sa amin pero nagpasya akong maglakad na lang, kahit naka long sleeve at necktie ako. wala na akong hahabuling oras, kahit gaano pa kahaba ang lalakarin ko..


Nang matigil ang munti kong negosyo na rtw, canteen, at sari-sari store, nagdesisyon akong magtrabaho ulit. Supervisory position ang inaplayan ko. Pinasa ko ang written exam at first interview. May papuri pa sa akin ang interviewer na ako'y magaling at sinabing pag-igihin ang final interview dahil I will be competing from graduates of Ateneo and the likes. Ngumiti lang ako. Alam ko na kaya ko, malakas ang aking kumpiyansa. Gagawin ang final interview ten o'clock ng umaga sa main office nila sa Makati na nasa 8th floor.

Pagdating ko sa lobby ng upisina, may naabutan akong dalawang lalaking nakaupo na halos kasing-edad ko din. Pormal ang bihis nila tulad ko. Mayamaya dumating pa ang isa. Apat pala kaming mag tutunggali para sa isang posisyon. Kinuha ng receptionist ang mga pangalan namin, dahil pangatlo akong dumating ganun din ang sequence ng interview. Umabot ng dalawang oras bago matapos ang interview ng mga nauna sa akin. Pareho silang umuwi, baka tatawagan na lang para sa resulta.

Sinamahan ako ng receptionist papasok sa silid ng mag-iinterview. Magarbo ang kaayusan ng upisina. Nakatayo na ako sa harap ng babaeng mukhang kagalang-galang at maaya ang personalidad. Pinaupo nya ako at ako'y nagpasalamat. Sabi nga, hintayin munang paupuin ka ng interviewer bago gawin ito. Yan ang protocol. Hawak nya ang ilang stapled pages ng set of questionnaires. Sinimulan na ang interview. Mula sa tipikal na mga tanong gaya ng edukasyon, pamilya, work background hanggang sa aspeto ng propesyalismo. Biglang ipinukol sa akin ang question na, "give me ten ways to communicate with people." Ang dami, ten! Nagbigay ako ng halimbawa, tulad ng interpersonal, through telephone, hand gestures, body movement. Nakumpleto ko ang sampu!

Mahaba-haba na rin ang usapan namin, pero di pa dun nagtapos ang interview. Mula sa kung saan, tinanong nya ako; "From a scale of 1 to 10, how would you rate your self- confidence?" "I will give myself a 9!" "Why not ten?" "Because I don't believe in the term perfect." "Where do you get your self-confidence?" "From the heart and the mind. from the heart, because of my experiences in life, be it good or otherwise, they serve as my shield to face life's trials and challenges. from the mind, because of my educational attainment and work experiences, they serve as my weapon as i pursue my goals in life."

Palagay ko namangha siya sa mga sagot ko, dahil ako mismo ay di rin makapaniwala. Pakiramdam ko, sinaniban ako ng mga sandaling yun ng anumang hiwaga ng kakayahan at tiwala sa sarili. Ilang saglit pa, humupa na ang intelektwal na usapan. Ipinaliwanag nya ang posisyong inaaplayan ko. Nabanggit din ang suweldo at benepisyo. Na-impress ako. Gusto ko ang trabaho at ang kaakibat na kumpensasyon. Bago natapos ang interview, sinabi nyang tatawagan ako after two days for the result. Nagpasalamat kaming pareho at nagkamay bago ako lumabas ng silid. Umabot ng halos dalawang oras ang interview. Iyon ang pinakamahabang interbyung nadaanan ko. At di ko inakala na iyun din ang magiging dahilan ng pinakamahabang lakad na gagawin ko..

 
Nakatanggap ako ng tawag mula sa kanila pagkalipas lamang ng isang araw. Ipinaalam na ako ang napili para sa posisyon. Sinabing dapat akong mag-report para sa orientation sa darating na Lunes, alas nuwebe ng umaga. Walang mapagsidlan ng aking tuwa. Ipinamalita ko ito sa aking mga magulang, kapatid, at maging sa aking mga pinsan. Ipinaalala pa ng aking nanay na kailangan kong magpasalamat sa biyaya at talinong ipinagkaloob sa akin ng Panginoon. Nakibahagi silang lahat sa aking kagalakan at munting tagumpay.

Alas otso ng umaga umalis ako ng bahay. Tatlong sakay ang kailangan kong gawin bago makarating sa matayog na gusaling iyon sa Makati. Alas otso y medya dumating ako ng Quezon Ave. Mula doon sumakay ako ng MRT patungong Makati. Mabilis ang byahe sa MRT at pagkalipas ng halos labinlimang minuto, nag-aabang na ako ng dyip papunta sa magiging bago kong upisina. Tamang-tama ang tantiya ko sa oras, limang minuto lang ang itatakbo para makarating doon. Ilang sandali lang nasa loob na ako ng dyip. Mabagal ang takbo ng byahe. Lunes nga pala, unang araw ng pasukan. Ang kupad ng daloy ng trapiko. Aligaga na ako at hindi mapakali. Gusto ko nang bumaba at maglakad na lang, pero mukhang malayo pa. Nadoble na ang dapat sana'y limang minuto na byahe.


Halos liparin ko ang main entrance ng gusali nang makababa ako mula sa dyip. Mabuti na lang at walang laman ang elevator, agad akong sumakay patungong 8th floor. Alas nuwebe y medya nakarating ako sa lobby ng upisina. Walang tao. Dumako ang tingin ko sa isang glass-walled na silid. Nasa loob silang lahat. Nagpasya akong pumasok at ng buksan ko ang pintuan, nakatunghay ang atensyon ng mga naroroon sa isang lalakeng dayuhang nagsasalita sa harap. Kagyat akong naupo sa isang bakanteng silya. Napansin ito ng isang babae at sumenyas siya sa akin na sumunod palabas. "Are you Mr. A from Quezon City?" "Yes, ma'am." "Why you arrive only now?" "I'm sorry, I didn't expect that traffic in Makati is so heavy." Pumasok muli ang babae sa silid at nagbilin na maghintay ako dahil may itatanong lamang siya. Naglalaro ang isipan ko ng mga sandaling iyon. Pinaniwala ang sarili na isasama pa rin ako sa orientation. Napakahaba ng kanilang proseso sa paghahanap ng akmang tao para sa posisyong nakuha ko, kaya siguradong may reschedule silang gagawin.

Bumalik na siya at habang papalapit sa akin, pinagmasdan ko ang kanyang mukha upang suyurin anumang nakaguhit doon. Pakiwari ko malungkot siya at may habag akong nakita nang magtagpo ang aming mga tingin. Batid ko na ang naging pasya nila. Nais itanggi ng aking isip na mali ako. Ngunit hindi na kaya pang iwaksi ang nakatutulig na katotohanang sasambulat sa akin.. "I'm sorry Mr. A, we cannot accommodate you anymore. The company is very strict on time. You're very late. You should have arrived earlier, more so this is the first day of orientation. We're very sorry."