i. Produkto
Nagsimula ang career ni Gerald Anderson noong 2006 sa pamamagitan ng reality show na Pinoy Big Brother Teen Edition hanggang sa maabot niya ang kasalukuyang estado bilang isa sa pinakasikat na young actors ng bansa. Si Gerald ay molde hango sa istratehiyang pangkalakal ng ABS-CBN. Isang istruktura ng makinarya na isinusulong ang estitikong pisikal ng artista higit sa anupamang inisyatibo tulad ng pagpapalawig sa antas ng sining.
ii. Katapatan
November 18, 2012 sa loob ng Henry Lee Irwin Theatre kung saan ginanap ang 26th PMPC Star Awards for TV. Presentor si Gerald Anderson para sa best actress award. Nominee ang Superstar na si Nora Aunor para sa Sa Ngalan ng Ina (TV5). Limang aktres ang nominated mula sa Kapamilya network, ang istasyonng namuhunan, nag-aalaga, at nagpasikat kay Gerald. Binuksan ni Gerald ang nag-iisang sealed envelope na hawak. Binasa ang pangalan ni Helen Gamboa bilang best actress winner para sa Walang Hanggan (ABS-CBN). Nang may sumigaw na isa pa, binuksan uli ni Gerald ang envelope at saka tinawag si Nora bilang ka-tie ni Helen. Iisa ang envelope na hawak ni Gerald kaya walang dahilan upang di niya makita ang "Nora Aunor."
iii. Imahe
Enero ng kasalukuyang taon. Sumambulat ang balita ng di umano paninigaw ng Diamond Star na si Maricel Soriano kay Gerald sa first taping day ng Bukas Na Lang Kita Mamahalin . Ayon sa mga nakasaksi sa nangyari nagalit si Maricel dahil hindi makuha ni Gerald ang tamang akting para sa eksena. Dahil sa insidente nagpasya ang ABS-CBN na tanggalin si Maricel sa cast ng upcoming teleserye. Pinaboran ng Kapamilya network si Gerald. Kumpiyansa raw sila sa kakayahan ni Gerald bilang aktor, at maging ang "unassailable personal character and professional behavior" nito.
Si Gerald Anderson ay produktong likha ng moderno at epektibong sistema ng industriya sa biswal na aliwan. Kailangan gumalaw ayon sa dikta at alituntunin ng kapitalismo. Kailangan ang busilak at malinis na imahe upang mapanatili ang ilusyon ng publiko. Mga saklaw sa pagtaguyod ng mataas na kalidad sa merkadong naknak ang komersyalismo. Ngunit kaakibat nito ay tila naisantabi ang diwa ng sining, pagpupugay at respeto, at integridad ng sariling pagkatao.
No comments:
Post a Comment